Wednesday, August 30, 2006

Segunda Mano
Eugene Evasco


“Abo na kaya ang mga daliring minsang bumuklat sa pahinang ito?” tanong ko sa sarili habang hinahaplos ang sinagip na aklat mula sa tindahan ng mga linimot at ibinasura. Kinamihasnan kong bumili ng mga aklat na may kasaysayan. Sa aking kabataan, ang mga binabasa ko’y pinaglumaang aklat at magasing ibinigay ng maykayang ka-opisina ng aking magulang. Nagkataong may kaibigang librarian ang aking ina at kami’y naaambunan ng mga sobrang aklat ng Books for Asia—mga aklat ukol sa siyensiya, aklat pambata, aklat ukol sa gramatika, at mga lumang almanac. Nakatatatak sa mga aklat na ito, “Gift of the United States of America.” Siguro’y naibibida ng aking magulang na ang kanilang panganay ay laging nauubusan ng binabasa, o naghihimutok na nawawala ang kanilang supling sa binabasang aklat. Sinusuyod kong lahat ang mga mapa at impormasyon sa bawat bansa, maging ang kabisera ng mga estado sa Amerika, at resulta sa nakaraang Olimpiyada. Iyon ang dahilan kung bakit nahilig ako sa general knowledge. Sa pagtatapos ng klase, humihingi ako sa kapitbahay ng mga lumang textbook na kanilang itatapon. Ginugugol ko ang aking tag-araw sa mga aklat na ito, habang ang aking mga kababata’y nagpapakadalubhasa sa patintero, piko, taguan, habulan—humahabol sa naantala nilang paglalaro kapag pasukan.

Aklat na may kasaysayan ang pinaganda kong termino sa segunda mano. Sa tuwing binubuklat ko ang mga nalikom na aklat, naaamoy ko ang naptalina, usok ng tabako, cinnamon, giniling na kape, ginisang bawang, pipino, curry, lemonada, o kinchay. Nabubuo sa aking isipan ang kaligirang minsang naging bahagi ng aklat. Madalas, nasusumpungan ko ang bookplate, dedikasyon, petsa ng pagkakabili, zodiac sign ng may-ari, munting larawan sa inside cover ng aklat. Naghuhumindig ang mga titik na “personal property of” at “from the library of” kaya napagdududahan kung naaangkop isalansan sa aking estante ang mga aklat na ito. Kung ang tindahan ng mga segunda mano ay ampunan, labag ito sa patakaran ng pagpapaampon. Marapat na walang bakas ng orihinal na may-ari ang inabandonang aklat. Maaaring lumikha iyon ng komplikasyon. Sa tuwina’y ginigisa ko sa tanong ang sarili, “Ibinenta kaya ang aklat dahil hindi ito nagustuhan? Nagkamali kaya sa pagbili? Yumao na kaya ang may-ari at ayaw ng mga kahinlog ang kaniyang gunita?”

Bago at habang nagbabasa ng aklat, hindi ko mapigil ang sariling basahin ang mga nakalakip. May hibla ng buhok, piraso ng tuyong anit, mga bakas ng daliri, tarheta, bookmark, larawan, at mumo ng tsitserya. Natutukoy ko rin ang pinagmulan ng aklat: regalo sa Pasko, graduation, Easter, kaarawan, o simpleng paghahandog. Nakalagda nga sa pahina, “I hope you like this as much as I do.” Naisip ko, hindi ko sinasadyang iligtas ang mga mensaheng iyon. Naangkin ko maging ang pagbati. Ang mga aklat ding ito’y magandang ebidensiya sa arkeolohiya ng kinabukasan. Sa hulma ng Jurassic Park, makalilikom rito ng mga tirintas ng DNA para sa cloning ng magiging sinaunang tao sa malayo-layong hinaharap.

“Baka may dalang mikrobyo ang mga iyan,” pagdududa ng aking kasintahan, bukod pa sa reklamong “nag-uumapaw sa mga aklat ang silid.” Ayaw na ayaw niyang dadalhin ko sa silid-tulugan ang mga “binhian ng sakit”, baka mahawa ang mga orihinal na biniling aklat. May konsepto siya ng mga aklat na nararapat isalansan sa estanteng may salamin, ibalandra sa sala, o itago sa kahon sa ilalim ng kama. Sunod-sunod ang paratang niya sa mga aklat: takaw-sunog, takaw-agiw, takaw-alikabok, takaw-sakit, takaw-anay. Sumasakit ang kaniyang mata sa hitsura ng lumang aklat. Narinig kaya niya ang kasabihang pinakamagandang muwebles ng tahanan ang mga aklat? Ito ang peligro sa paghalukay ng henyong pampanitikan, lalo na sa panahong iniuugnay sa ukay-ukay ang meningoccemia. Naisasantabi ang pangambang ito sa pagtunghay ko sa pakikipagdialogo ng unang may-ari sa aklat. Madalas, mas interesante ang dialogong ito kaysa nilalaman ng isang aklat. Tila ako’y mamboboso sa pagtatalik ng mambabasa sa binabasa, ng binabasa sa mambabasa; sinusubaybayan ko ang mga marka ng unang naghimaton sa mga pahina—mga talaan ng mahihirap na salita, mga pagsasanay sa pirma, mga salungguhit, mga binilugang salita, mga tala sa gilid ng pahina, mga puna sa mga pangungusap, pagkakabit ng tandang pananong sa malalabong pangungusap, komentaryo sa mga idea. Bigla ko tuloy naisip, nakikita kaya ng sinomang kaibigang humihiram ng naibigan kong aklat ang bakas ng aking labi sa pabalat? Napakainteraktibo ng aklat kung pagkakaisipin, maiuugnay sa pakikisangkot ng mga manunuod sa pelikula, radyo at telebisyon. Nariyang sinasagot ang linya ng artista, nakikihagulgol sa iyakan, hinahalikan ang artista sa iskrin, sinisigawan at minumura ang kalaban, at minsa’y binabaril ang kontrabida sa telon. Patnubay sa aking pagbabasa ang mga pakikipagdialogong iyon—sa ganitong bahagi nabighani ang mambabasa, dito siya naiyak, dito siya humalakhak, malabo ang imaheng ito, sariwa ang metapora, o dapat nang harapin ang diksiyonaryo. May lumalabis naman sa pakikipagdialogo. Madalas, ginagawang sanayan sa pagdrowing ang mga pahina. Sa kasong ito, pinatatawad ko ang mga bata sa kanilang mga aklat. Napapansing kinukulayan nila ang mga ilustrasyon, ginagawang bungi at bungal ang mga larawan ng tao, at naglalagay ng thought balloon sa mga tuod na ilustrasyon. Matagal ko nang tinanggap na ang aklat ay laruan ng mga bata. Hindi pinagbabawalan ang mga bata na romansahin ang mga pahina para maging bahagi ang aklat sa kanilang kultura hanggang pagkagulang.

Sa pamamakyaw ng mga segunda manong aklat pambata, naisip kong masakit mawalan ng aklat. Ang mga aklat kayang ito, tulad ng damit, ay napaglalakhan; tulad ng musikang nalalaos o sapatos na nalilihis sa moda? Sinaliksik ko ang mga aklat pambata naming magkakapatid. Iilan na lamang ang natitira. Yaong iba’y itinapon na dahil nawawala ang ibang pahina; ginawang eroplano o bangkang papel. Yaong iba’y nilamon ng amag, tagulamin, at alikabok. Yaong iba’y hiniram at hindi na isinauli. Hanapin ko kaya ang mga nawawala kong aklat? Hanapin ko kaya ang batang orihinal na may-ari ng binili kong aklat? Manunulat kaya siya ngayon, o masugid na mambabasa? Pinagsisihan kaya niya ang pagwawalang-bahala sa aklat ng kaniyang pagkabata? Nag-asawa na kaya at may mga anak? May pamahiing walang aklat na nawawala; napupunta lamang sa maling lugar. Nasa mga kamay ko ang mga nawawalang aklat na iyon. Ayaw kong isiping maling lugar ang nasa aking pangangalaga. Ako ang tamang lugar. Nasa aking pag-iingat ang napaglakhang mga aklat.



Ang tahanang walang aklat, wika nga ni Cicero, ay katawang walang kaluluwa. Ginamit ito ng Amazon.com sa pagbebenta ng mga aklat. Mautak nga rin ang mga patalastas, sinasalakay ang panitikan ng mga poeta ng kapitalista. May mga islogan at panghikayat ding “there is no such thing as too many books” at “walang mahal na aklat” para hindi manghinayang sa mataas na presyo ng babasahin. Hindi ganito ang kaso sa pamimili ng mga segunda mano. Sa suweldo kong katumbas ng apat na bagong hardbound na aklat, pinaiiral ko ang prinsipyong “mahahanap ko ang aklat sa mga hindi inaasahang lugar.” Nais ko’y salakayin ang warehouse ng Booksale, o salubungin ang mga barko ng segunda manong aklat sa dagat Pasipiko bago dumaong sa baybayin ng Pilipinas. Pero para saan pa? Nasa pagkakagitla at sorpresa ang ligaya ko sa paghalukay; yaong may kakaibang uri ng nginig at kilig kapag nakita ko sa kailaliman ng tambakan ang pabalat na minsang tumakam sa akin. Tila ako antik-hukay na nananalig sa isang alamat, na nasa dakong ito ng bansa’y matatagpuan ang kayamanan ni Yamashita. Wari pang aso na nakatagpo ng butong malaman sa basurahan. Dahil dito, sa tuwing naglalakbay ako, lahok na sa aking itineraryo ang pakikiwagwagan sa tindahan ng mga aklat. Kapag umaakyat ako sa lungsod ng Baguio, ang ukay-ukay capital ng Pilipinas, hindi damit at sapatos ang aking pakay kundi mga aklat sa Diplomat sa SM City at sa Center Mall. Wala naman akong fetisismo sa mga damit na may pangalan o popular na tatak na maisusuot lamang ng alta-sosyedad. Wala naman akong pantasyang mag-asal-pabo sa mga damit buhat sa winter/spring/summer/autumn collection ng kung sino-sinong taga-disenyo. Mahalaga’y may naisusuot pa akong matino-tino.

Tumutuklas ako ng aklat, naghahanap ako ng mga mababasa, nagtuturo ako ng mga paraan sa pagbasa, sa isang bansang kumakayod para may maihain sa mesa. Pagkain, tahanan, tubig, koryente muna bago ang lahat. Idagdag pa ang cellphone at cellcard. Habang ginagalugad ko ang mga tindahan ng aklat, siya namang pagdagsa ng mga kabataan sa call center, sa doktor na nag-aambisyong maging caregiver, sa mga dalagang nagpapasipsip ng bilbil, sa mga matronang magpapatala sa facelift, sa mga bagets na nag-eensayong mapansin sa artista search. Paano uunlad ang bansa kung namimilipit-sa-gutom ang kamalayan? Aklat ang katapat ng inu-ulcer na utak.

Sa pagsuyod ko sa Booksale at Previously Owned Books ng National Bookstore, nakatutuklas ako ng ng advance reading copy na aklat, cloth bound, library binding, aklat gamit ang acid paper, at aklat na ang pabalat ay yari yata sa alpombra. Tunay nga kayang makikita ang kalinangan ng isang bansa sa kanilang pagpapahalaga sa paglalathala, sa kanilang paggalang sa nakalimbag na mga salita? Nakapanlulumo ang sitwasyon ng paglalathala sa bansa. Walang akdang Filipino ang nakalimbag sa acid paper para magtagal ang papel ng mahigit sandaang taon. Walang aklat sa bansa na balot-sa-tela ang pabalat. Para makatipid at maging mura ang aklat, ginagamit ang papel na pambalot yata ng pandesal o tinapa. Dito’y hindi nakagawian ang advance reading copy, yaong ipinapakilatis muna sa mga piling mambabasa ang bisa ng manuskrito. Sapagkat ang kalakaran sa paglalathala sa bansa ay pagmamadali. Biro nga ng isang kaibigang manunulat, kapag nagsumite ng manuskrito sa ganitong palimbagan, kinabukasa’y pasinaya na ng aklat. Dagdag ko pa, magsumite ka ng katipunan ng katitikan ng pulong, magkakaaklat ka na.

Pinakapopular ang Booksale sa pagtitinda ng segunda manong aklat. Panganay ito sa mga nagsulputang negosyo sa pinaglumaang aklat. Halos sistematiko ang kanilang pagsasalansan ng mga aklat mulang nobela ng pag-ibig, coffeetable books, aklat pambata, magasin, textbook sa iba’t ibang larangan, hanggang sa mga hardbound na nobela. Bibihira ang Diplomat sa Metro Manila pero matatagpuan dito ang pinakamura ngunit pinakalamog na mga aklat, parang manok na hinimas, kinurot, pinisil, nilamas. May kamahalan sa Books for Less dahil talos ng may-ari ang halaga ng aklat na itinitinda. Pero sa lahat ng mga tindahan, ito ang may pinakasistematikong klasipikasyon ng mga aklat mula sa listahan ng bestseller ng New York Times; premyadong mga akda ng Nobel, Pulitzer, Booker, Newbery, at National Book Award; hanggang sa mga rekomendadong aklat ni Oprah Winfrey. May mga segunda mano at surplus na aklat rin sa Booktopia sa Libis. Kung hindi ako nanaliksik, baka mapatulan ko ang kanilang presyo. Sa abenida ng Recto na tinaguriang “Booklover’s Haven,” masusumpungan hindi lamang ang mga instant diploma, transcript, at tesis, kundi mga segunda manong textbook at mga nobela ng pag-ibig. Maging ang National Bookstore at Powerbooks ay nagtitinda ng mga lumang library book sa halagang nobenta nuwebe pesos. Nakabalot pa ito sa espesyal na plastik na pananggalang sa mantsa, hamog, tubig, tinta, sopas, ulan. Magagandang uri ang library books, kadalasa’y hindi man lamang hiniram sa mga public library sa Amerika, dahil pinasadya ang produksiyon para sa matagalang gamit. Aklat na may kasaysayan rin ang makikita sa Old Manila sa Megamall, bukod sa mga lumang retrato at mga magasing pang-artista. Ngunit presyong turista ang mga aklat dito, lalo pa’t bihirang Filipiniana ang kanilang ibinebenta—serye ng Philippine Readers ni Camilo Osias na may mga ilustrasyon ni Fernando Amorsolo, mga kolonyal na nobela ni Edward Stratemeyer ukol sa ating bansa, at mga unang edisyon ng mga kalipunan ng tula at nobela.

Kung ituturing kong texto ang mga tindahang nabanggit, kapansin-pansing isinasantabi ang espasyong pinaglalagakan ng segunda mano. Mahahanap ko ang ilan sa basement (Diplomat, SM City Baguio; BS, Fairmart; BS, Glorietta; BS, Megamall; BS, Starmall; BS, Festival Mall; BS, Shoppesville; BS, SM Fairview), sa pinakataas na palapag (POB, National Cubao; POB, Crossings Quezon Ave.) at sa annex (BS, SM City North EDSA). Ang karamihan ay nakatayo sa espasyong mumurahin ang renta (Diplomat, Center Mall Baguio; Diplomat, P. Tuazon Cubao; BS, AliMall), sa espasyong madadaanan ng masa (Recto; BS, EDSA Central; BS, Shopwise Cubao; BFL, Tandang Sora), sa mga tila abandonadong gusali (BS, Rustan’s Cubao; BS, Katipunan; BS Quezon Avenue). Lahat ay mga maliliit na kahong ilang dipa lamang ang lawak. Masisiko ang isang mangangalkal ng mga lumang isyu ng magasin, o ang kolehiyalang nagtitipon ng mga nobelang popular. Hindi ko rin masusumpungan sa magagarang mall tulad ng Rockwell, Greenbelt, at Eastwood. Palibhasa’y class ang mga pumupunta doon, kayang-kayang bumili ng mga mamahaling aklat sa A Different Bookstore, Fully-booked, Bibliarch, at Ink & Stone. Sa pangalan pa lang ng tindahang iyon, napakarangal pakinggan na kumpara sa Booksale at Books for Less.

Walang konsepto ng customer service sa mga tindahang ito. Walang artipisyal na pagbati sa aking pagpasok. Tila banderitas ang anunsiyong “This way to treasure hunt.” Walang guwardiya at aparatong maghuhudyat na may sinomang nangupit ng aklat. May pagkakataong sa Booksale sa Quezon Avenue, umiidlip ang anak ng kahera sa mga kahon ng aklat. Sa Booksale sa likod ng Shopwise ng Araneta Center, nadatnan ko ang kaherang kumakain ng piniritong galunggong, itlog na pula, at kamatis. Nakilala niya ako sa mukha at binati ako ng “Kain tayo.” Wala naman talagang alam sa mga aklat ang tumatao sa Booksale. Layon lamang nila ang maka-quota. Madalas kong marinig ang reklamong “Mahina ang benta ngayon.” Minsan, sinumpong ako ng kapilyuhan. “Miss, may kopya ba kayo ng The Very Best of (pangalan ko) at His Worst?” Kinagat ko ang aking dila; ayaw kong humagalpak sa sariling biro. At kagila-gilalas, sinagot niya ako, “Ay, naubos na. Baka may dumating sa susunod na linggo.” Mula noo’y naging urban legend sa mga kakilala ang pangyayaring iyon.

Madalas, pakiramdam ko’y ako ang naisasantabi. Tulad ng minsang bumisita ako sa kalulunsad na Powerbooks Live! sa Greenbelt 3. Tunay namang napahanga ako sa disenyo nito. “First world na first world,” puna ng aking kaibigan. Malamig sa loob. Amoy ng kapupulak na kahoy ang paligid. Dinig ang musika ni Antonio Carlos Jobim. May malambot na sopa para kilatisin ang aklat bago bilhin. Ganito raw ang mga bookstore sa Hong Kong at Singapore, kawangis ng Page One at Kinokuniya. Hanggang titig-pag-ibig na lamang ako sa mga aklat hanggang sa matuklasan ko ang bargain books section nito. Malaking bulto ang mga pinaglumaang library book ng Amerika. Ayos! sa isip-isip ko. Sa lugar na ito sa Makati, walang mga katulad kong segunda mano ang pakay. Wala akong makakalaban. Hindi pa ito nasusuyod. Hinintay ko ang tamang pagkakataon para mawala ang mga nakapormang yuppies, na lagpas alas-singko na’y kay aayos pa ng damit, parang bagong plantsa. O sa mga naka-party dress. Palibhasa’y gimikan ng mga kabataang nagsasayang ng pagkabata ang Greenbelt. Baka isipin nilang hanggang segunda mano lamang ako. Ayaw kong mahabag sa maaabot ng aking bulsa. Malimit kong tanungin ang sarili, kung bakit ako asal-mayaman?

Tuwing pumapasok ako sa tindahan ng mga segunda mano, pakiwari ko’y ulilang kuting o ligaw na tuta ang mga aklat. “Palayain mo ako!” hiyaw ng isang aklat. “Iahon mo ako!” sigaw ng isa habang nakasiksik, hindi makahinga. “Naririto lamang ako,” taghoy pa ng isa buhat sa kailaliman ng kahon. May pagkakataong sementeryo ang turing ko sa tindahan. Sementeryo ng mga limot na aklat. O morgue ng mga pinaslang na aklatan. O kanlungan ng mga minaltratong akda. Tinatanong ko ang sarili kung makatarungan ang magtapon ng mga aklat. Parikalang maituturing na pampasikip-tahanan ang mga bagay na pampalawak-utak. Bigla tuloy akong kinalabutan sa natuklasan, likha ng aksidente sa pagtipa ng keyboard, na kapag nabaligtad ang unang dalawang letra ng “aklat” ay magiging “kalat”. Hindi ko rin matanggap ang dahilang “nabasa na” ang aklat. Sapagkat ang esensiya ng pagbasa ay nasa muling pagbasa (rereading), maiuugnay sa proseso ng pagsulat bilang muling pagsulat (rewriting). Nananalig ako kay Vladimir Nabokov na “ang nilalang ay hindi nagbabasa kundi nagbabasa ng aklat. Ang mainam na mambabasa, ang pangunahing mambabasa, ang aktibo at malikhaing mambabasa ay ang mga muling nagbabasa.” May isa pang teorya na upang maging ganap na nilalang, kailangang makabasa ng 400 aklat. Kung pagsasamahin ito sa idea ni Nabokov, 800 o mahigit ang kailangan kong bunuin habang nabubuhay. Ilang pulgadang kapal ng lente ang aking antipara kapag natapos ko ang proyekto ito?

Dahil bihira akong makabili ng nais na aklat at walang konsepto ng book allowance ang aking magulang, ang pamamakyaw ko ng segunda mano ay maitutumbas sa galak sa eat-all-you-can, bottomless na inumin, sa presyong Divisoria o Tutuban, habang tinutubos ang aking pagkabata. Di tulad ng kahel na kapag piniga’y wala nang halaga, ang aklat ay mananatiling aklat kapag magpasalin-salin man sa iba’t ibang kamay. Hindi ito tulad ng segunda manong kotse, cellphone, muwebles, bahay. Alay ito sa mga sanay sa diskuwento, sa mga bagsak-presyo, sa mga sale at midnight madness, at sa mga pinalalagpas ang aklat na may factory defect, yaong mga bumagsak sa quality control ang pisikal na kaanyuan, hindi ang nilalaman. Ginagawa nitong demokratiko ang pag-aaral at pagbabasa, lalo na sa panahong isasangla ang lahat para makapagtapos ng kolehiyo. Naitataguyod nito ang edukasyong walang hangganan, ang pamantasang walang gusali at kaguruan. Sa mga tindahan ding ito mababakas hindi lamang ang pinaglumaan kundi ang binasa ng isang bansa.

Ilan ang nagsabing ang ugali ng mga Pilipino sa segunda mano ang dahilan kung bakit nababansot ang pambansang paglalathala. Pinaiikli rin nito ang buhay ng bagong aklat dahil kinamihasnang pasa-pasa ang babasahin sa pamilya, kaibigan, kakilala. Lalo na sa bansa, noong una pa man, ang Liwayway, Pasyon, mga komiks, nobela ng pag-ibig at mga munting aklat ng awit at korido na mabibili sa tabi ng simbahan ay pinagkakaguluhan ng pamilya, barkada, at komunidad. Kolektibo ang tradisyon ng pagbabasa sa bansa kaya bibihira ang maging bestseller na manunulat sa aking bayan.



“Bili ka naman nang bili,” reklamo ng aking kasintahan, “basahin mo muna ang tambak diyan.” Nais niya’y magdiyeta ako sa mga segunda mano. Mag-uumpisa raw ba ako ng tindahan, magtatayo ng publikong aklatan, magpapasinaya ng eksibit? Bakit hindi ko i-donate sa nangangailangang paaralan? Medyo natauhan ako sa sinabi niyang iyon. “Mababasa mo bang lahat iyan? Baka yumao ka na’y hindi mo pa natatapos ang mga iyan.” Halos 80% ng aking koleksiyon ay hindi ko pa nababasa, lalong lumalaki ang bilang habang namamakyaw kung saan-saan. Iyong ibang aklat, pagkaraan ng unang talata, binitawan ko, hindi pa ako handa. Iyong iba, pabalat na lamang muna, hindi ko pa nasusuri. Iyong iba, mabulunan sa maikling buod at mayayabang na blurb sa likod. Iyong iba, hindi ko pa naaalis sa supot. Sa ganitong ugali, kadalasa’y nagiging doble o triple ang kopya ko ng aklat, na may iba’t ibang edisyon. Aanhin ko raw ang ibang kopya? Sa kanilang mukha, mababasa ang pakiusap na “akin na lang ang isa.” Magaan kasi ang pakiramdam, kapag sinumpong ako sa pagbabasa, na madadampot ko ang kailangang basahin. Sa madaling sabi, abot-kamay. Panahon at damdamin ang nagtatakda kung ano ang aking makakaulayaw. Ang mga kahon at estante ng segunda mano kong aklat ay hindi bodega kundi botika. Nakahanay na parang bote ng mga gamot ang aklat. Sa panahong nauso ang “detox” at kailangang isaayos ang mga sukal-agiw-surot sa utak, lunas sa patong-patong na iskedyul at deadline ang mga bestseller. Popcorn book ang tawag ko rito. Pahinga sa mga required reading, sa hangaring erudisyon sa mga klasiko at kanonisadong aklat, sa mga pretensiyon sa akademiya. Palibhasa’y para akong nanunuod ng pelikula sa bilis at pihit ng mga pangyayari. Lisensiyado naman ang magbasa ng bestseller ang mga guro ng panitikan. Nais kong makiugnay sa panlasa ng aking mag-aaral na nahuhukot sa mga iniismirang aklat nina John Grisham, Sidney Sheldon, o Dan Brown.

Kapag sinusumpong sa adiksiyon sa pangangalkal, dagli akong bibisita sa mga tindahan. Nasuyod ko naman ang mga branch noong nakaraang linggo. Pero babalik pa rin ako. Baka may nakaligtaan ako. Taimtim akong nananalangin sa mga aklat, parang naghahanap ng nawawalang kamag-anak. “Magpakita ka, magpakita ka.” Baka may mga bubuksang kahon; anak ako ng isang balikbayang naghihintay sa mga kahon ng pasalubong. Walang bago, sasabihin ko sa aking sarili. Inaasahan ko na ito. Pero may mga kayamanang dapat sagipin. Lilikumin ko ang mga aklat na mayroon na ako. Magte-text sa mga kaibigan. “Mayroon ka na ba nito? Text back ASAP.” Sorry, mayroon na raw. Pero maghahalukay pa rin ako. Dampot dito, kalkal doon. Dito ko ginugugol ang aking maghapon. Sa huli’y ilalagak ko ang aking ani sa isang tabi. Sana, sa loob-loob ko, mayroong isang nilalang, na kawangis ko ng panlasa, ang makatagpo nito. Ituring sana niya itong jackpot. Patawad kung pinadali ko ang proseso. Ipinagkait ko sa kaniya ang pagtuklas ng sorpresa.

Basura’t kalat nga ng ilan, kayamanan ko naman. Ito ang aking ambag sa kultura nating ukay-ukay, wagwagan, at pagpag. Laging nag-aabang ang mga taong lansangan ng aking lungsod sa iluluwang pagkain ng mga restawran. Kaniya-kaniyang teritoryo ang mga maralita, maghihintay ng hatinggabi at saka mag-uunahan sa mga itim na supot. Dali-dali nilang iipunin ang maisasalba, itatapon ang mga napapanis, pag-aagawan ang karne, at muling pasasayarin sa apoy para kahit papaano’y mapuksa ang mikrobyo. Lalagyan ng kaunting toyo, paminta, sibuyas. Dagdagan ng tubig para may mahigop na sabaw. Pagpag, minsa’y batchoy, ang tawag nila sa segunda manong pagkain. Dagli ko ring naaalala ang pamimili ng nalaos na modelo ng telebisyon, washing machine, at VCD player mula sa mauunlad na bansa sa Asya. Save on Surplus, ang ipinagmamalaki ng mga tindahang ito. Kakatwang tinawag ang mga tindahan na Sayonato at Nakamura. Ang Pinoy nga naman, kaytalas ng siste.

May kakilala akong iskolar ng Mombushu, naglilibot sa kapitbahayan, naghahanap ng maisasalbang sopa, kutson, mesa, telebisyon, lampara, radyo sa basurahan ng Tokyo para punan ang anemiko niyang dormitoryo. O ang aking propesor, ibinibida ang kaniyang mga nailigtas na “discarded books” mula sa isang unibersidad sa Hawaii. O ang aking ama na dinayo pa ang bayan ng Dau sa Pampanga, pagkaraang isara ang mga base militar, para makamenos sa mga kasangkapang stateside. Kuwento nga niya’y nakahanay sa gilid ng highway ang mga pinagbebentang inidorong ginamit ng sundalong Kano. O ang mga “buraot vendor” sa Divisoria, nangangalkal ng ibinasurang gulay at prutas, tatapyasin ang bahaging nabubulok, huhugasan para muling ipagbenta. O ang aking ina, pinuntahan pa ang Ilocos sa kanilang outing, para silang magkakaopisina’y makahanap ng segunda manong scooter mulang Taiwan. Sa Hong Kong, ang mga pinaglumaang damit na dapat sana’y sa karidad, ginagawang negosyo ng mga mautak nating domestic helper. Sa katunayan, ang orihinal na tawag sa ukay-ukay ay “rilipan” buhat sa salitang “relief goods” ng mga maalwang bansa para sa mga biktima ng sakuna.

Ang pinsang Japoy (Japanese-Pinoy) ng aking kasintahan, tuwang-tuwang nang namasyal sa EDSA. Para raw siyang hindi umalis sa Japan, ibinalik nga lang ang kamay ng orasan, dahil segunda mano ang barumbadong humaharurot na bus. Japayuki bus, sa isip-isip ko. Napabalitang kaya daw nagbabagsakan ang mga eroplano ng isang kompanya ay dahil pinaglumaan ang kanilang binibili mula sa Singapore. Idagdag pa ang mga segunda manong armas at helikopter, na beterano ng Vietnam War, ng ating Sandatahang Lakas. Kamakailan, natuklasang nakadaong sa piyer ng Maynila ang mga barko ng double dead na manok (dulot ng bird flu) at mga basura ng ospital mulang Japan: malalaking bloke ng pinagsisiksik na heringgilya, duguang bulak, telang may langib, bandage na may tuyong nana, gamit na adult diaper, disposable na kumot. Salamat, Ka Amado, sa pagtukoy mong ang ating republika’y basahan. Ngayon nama’y tambakan. Republikang Tambakan ang aking lupang hinirang. Maipagmamalaki ng aking bayan ang segunda manong bahagi ng katawan sa umiiral na malayang pakikipagkalakalan sa daigdig. Ipinagbibili ng aking kababayan ang kanilang mga cornea, dugo, at kidney para maipantawid sa pang-araw-araw na pamumuhay. Kulang na lang ipagbenta nila ang sariling mga ngipin, binti, puso, at kamay. Sabagay, naipagbibili na ang mga ito, hindi man humantong sa mutilasyon ng katawan. Ikinakalakal ng aking bansa ang mga segunda mano ngunit primera klaseng ina, kasintahan, at asawa sa sistemang mail-order.

Kung isinilang kaya ako sa ibang panahon, sa ibang lipunan, maghahanap pa rin kaya ako ng segunda mano? Bilang guro, kipkip ko ang prinsipyong “nasa kalipunan ng mga aklat ang pamantayan ng pamantasan.” Alagad ako ni Desiderius Erasmus na nagsabing “When I get a little money I buy books; and if any is left I buy food and clothes.” Isinilang ako sa lipunang bibihira ang pagpapahalaga sa mga palaisip, sa mga panday ng salita, sa mga tagahubog ng kamalayan. Sa kakarampot na pabuya’t pagkilala, ang kaligayahan ng guro’y ideklarang bagsak-presyo ang mga aklat sa pang-unibersidad na palimbagan. Manghiram habang wala pang bonus. Mabuti kung mayaman ang koleksiyon ng aklatan. Umaasa rin naman ito sa abuloy ng mayayamang nasipagtapos o ng mga yumaong propesor. Pumasok sa aking isipan na ipamamana ko sa aklatan ng aking unibersidad ang mga aklat ko kapag ako’y yumao na. Pinagkakasya ang suweldo sa pagpapa-photocopy ng mga akademikong aklat. Kung okey sa budget, puwedeng ipa-ringbind o ipa-bookbind, ipa-colored xerox pa ang pabalat. Hitsurang orihinal na. Ganito na yata ang kapalaran ng isang guro sa Ikatlong Daigdig—maparatangang nabubuhay sa iskolarship na photocopy at cut & paste. Matutong mamaluktot kaya segunda mano ang hinahakot. Hindi naman puwedeng dahilan ang kahirapan sa harap ng klase. Hindi ko puwedeng sabihing, “Ito lang ang maibibigay ko sa inyo. Tinatapatan ko lang ang suweldo.” Sapagkat tungkulin kong paunlarin ang mga kamalayan. Kapanabay nito’y hadlangang agiwin ang aking utak sa akademiya; sa pagtuturo ng batayang dalumat ng texto, intertexto, subtexto, at kontexto sa panahon ng text messaging, sa panahon ng tigpipisong kombersasyon na may limitadong bilang ng mga titik.

Sa kuwento ng aking kaibigan sa Chicago, iniiwan ang mga nabasang aklat sa mga estasyon ng tren. “If you want a book, take one. Donated books appreciated,” sabi sa karatula. Sabi ko’y ipunin niya. Piliin niya ang magaganda. “Magdala ka ng sako at ipadala mo sa akin,” udyok ko. Talagang ganoon daw sa States. Bibihira ang magtago ng aklat, lalo na kung paperback. Ang turing nila sa aklat ay magasin o peryodiko. Disposable ang lahat. Land of plenty, `ika niya ang bansang iyon, umaapaw ang gatas at pulot. Lipunang Supersize Me. Labis ang paglalathala, daan-daang bagong pamagat ang nailalathala bawat buwan. Salamat kay Noam Chomsky sa pagturing niya na ang bansang Amerika ay may bulimia, isang kondisyong bundat na bundat ang tiyan at kailangang kalkalin ang lalamunan para isuka ang dapat isuka. Ang Pilipinas ang isa sa mga napili nilang pagsukahan: mga patapon, pinaglumaan, labis, nilangaw, di binasa, at di nabiling aklat. Heto naman akong sumusubaybay sa barko-barkong aklat, isinantabi muna ang dignidad at pagpapahalaga sa sarili. Wala akong pinagkaiba sa mga dalagang Pilipina na “hanggang piyer” lamang.


Bumubukal sa aking katawan ang daloy ng koryente kung nakakatiyempo ako ng first edition ng pangarap na aklat, dili kaya’y signed copy gayong iniaalay sa orihinal na may-ari. Nangangaligkig ako sa mga hardbound na aklat. Pumipitlag ang aking puso kapag nakatatagpo ng leatherbound at clothbound na mga nobela at katipunan ng mga tula; amoy na amoy kong totoong katad ang ginamit, kapara ng mga sinaunang aklat ng musika, yari sa pinatuyong balat ng kalabaw, sa antigong simbahan ng Loboc sa Bohol. Maging ang mga limited edition ng dinidiyos kong manunulat—ginintuan ang mga titik sa pabalat, tubog sa ginto ang mga gilid ng papel, at may pen and ink illustration sa bawat kabanata. Ito ang mga segunda manong aklat na aking pag-aari ngayon, nakalagak sa retablo ng aking pagbabasa. Mga aklat na ayaw kong buklatin nang husto sa takot na mangulubot ang gulugod at malagas ang mga pahina. Obserbasyon nga ng mga kakilala, ako’y dakilang “author’s reader.” Ayaw kong magalusan, maanggihan, matupi, magasgasan, masulatan ang mga aklat. Parang sarili kong sanggol ang aklat, ipagtatanggol sa lamok, ipis, anay.

Pagbibigyan ko ang pagkarahuyong ito: nais ko’y magkaroon ng sariling tindahan ng segunda mano. Nakadisenyo na sa aking isipan ang istruktura ng magiging puwesto—may kapihan, koneksiyon ng internet, kahoy na mesa, incense holder, trosong mauupuan, mga ilustrasyon sa dingding, antigong baul, antigong aparador na magiging estante. Pero biro sa aki’y baka malugi ang negosyo; mapupunta lang sa akin ang magagandang titulo. Pinanghinaan din ako ng loob sa ambisyong ito. Takot ako sa mga kagaya ko—sa mga minsang nagpalit-presyo, sa mga namumuslit, sa naghihintay ng bagsak-presyo, sa kinikilatis ang edisyon, sa nagtatago ng kopya, sa ginagawang tambayan-tipanan-aklatan ang bookstore.

Isang hapong nagpapalipas-oras sa ikaapat na palapag ng National Bookstore sa Cubao, nakasalubong ko si Aling Isang. Kamakailan ko lang nalaman ang pangalan ng aleng ito. Madalas akong bumili ng mga segunda mano sa kaniyang tindahan sa naghihingalong Shopping Center sa unibersidad. Kaytagal kong pinag-isipan kung saan niya hinahanap ang maiinam na paninda. Siya ang may-ari, tagadisenyo, tagapamahala sa sariling puwesto. Tulak niya ang shopping cart, halos mamuwalan na ito sa mga aklat. “Uy, narito ka pala,” bati niya sa akin habang kapuwa namin sinusuyod ang mga estante ng surplus na British edition na aklat. Tulad ko marahil, napalundag siya sa pagkakapanalo sa subasta ng National Bookstore ng mga trak ng aklat mula sa London. Hindi ito bumenta kaya ipinasyang dalhin sa bansa. Ako ma’y lumuwa ang mata at bumagsak ang panga sa natuklasan. Ubos ang aking bonus kaya nagpasiyang magtago muna sa mga inaanak.

“Maganda ba ito?” paniniyak ni Aling Isang, hawak niya ang ika-pito sa serye ng nobelang pantasya ni Ursula LeGuin.

Tumango ako. Nais kong humiyaw sa galak. May taong nais umintindi sa akin.

“Nakita n’yo na ang libro ni Ray Bradbury?” Ganti ko para mabaklas ang hiya sa aming pagitan. Mahirap daw hanapin ang mga nobelang iyon. Kung mayroon man, agad namang nabibili.

“`Di ba ikaw ang mahilig sa mga libro ni Pullman?”

Napangiti ako. Hindi ko inaasahang ang simpleng tindera’y binabasa ang kaniyang mamimili. Kilala niya sa mukha ang mga propesor at kabataang manunulat na napadadaan sa kaniyang puwesto. Sunod-sunod ang mga paniniyak niya: “Talaga bang writer iyon? Sabi kasi ng asawa ko, nakikita niya sa telebisyon. Talaga? Ilan na ang libro niya? At propesor pa pala. Naku, mahilig din iyon sa romance. Saka detective novels.” Naku, nagkakabukingan na.

“Gusto n’yo po bang tulungan ko pa kayong maghanap?”

“Baka naman may gagawin ka pa, ilista mo na lang ang mga pamagat.”

“Naku, panlimang balik ko na rito. Naghanap lang ako ng mapaggagastahan.” Sabay kaming natawa. Natuklasan kong sinusuyod din niya ang mga Booksale para sa muling ibenta. May kaunting patong, aniya. Saka tulong na rin sa mga mag-aaral. Batid niya ang panlasa ng mga mag-aaral. Ano’ng ligaya yaong nakikinig siya sa aking payo. Ano’ng ligaya ko rin nang malamang nagbabasa siya at ang kaniyang anak. “Pareho pala nating gusto iyon,” pagmamalaki niya. Banggit ako nang banggit ng mga pamagat na aking nabasa na maaari niyang basahin at ipagbili. Kay sarap palang magrekomenda. “Ay, ayaw ko noon, hahamunin ang faith ko,” dagdag pa niya, matapos kong irekomenda ang The Da Vinci Code. Inamin niyang binabasa niya ang ilang aklat bago ipagbili. Sa isip ko, tersera manong aklat na ang ibinebenta niya.

“Nagkalibro ka na ba?” habol niya sa akin habang nagbabayad kami ng aming nalikom. Naisingit kong “nagsusulat-sulat” ako sa aming diskusyon kanina.

“Opo,” pagmamalaki ko. “Pito na.”

“Ituro mo sa akin,” nakangiti niyang pahayag. “Bibilhin ko.”


Habang tila mga tinapa sa dalayrayan ang mga aklat ng banyagang manunulat, pinipiga ko ang sarili sa kaiisip kung sino-sino at ilan ang maghihintay ng mga obrang Filipino. Ito ang malungkot na parikala ng aking panahon. Tanggap na katotohanang ang aklat ng Filipino’y nilalangaw—walang buhay, may amoy na, hindi gumagalaw at walang gumagalaw, nabubulok ang laman hanggang pagpistahan ng mga uod. Gawin kayang pabalat ang mga larawan ng kung sinong sikat na artista, tulad ng ginagawa sa mga kuwaderno? (e.g. larawan nina Angel Locsin at Richard Gutierrez para sa aklat ng mga alamat at epikong-bayan?) Puwera na lang kung ito’y kalipunan ng mga kuwentong kababalaghan na ngayo’y programang subaybayin sa telebisyon. Puwera na lang kung ito’y aklat na nangangako ng matamis na pantasya. Puwera na lang kung ito’y textbook na may endorso ng DepEd. Malaon na naming pinagtatalunan kung may sumisikat na manunulat sa Pilipinas. Sa pagkakaalam ko’y wala. Kung mayroon man, sa hanay rin lamang ng mga kapuwa manunulat. Iba ang kaso nina Balagtas at Rizal dahil nasa batas na ituro ang kanilang mga akda. Mabuti pa si Joanne Rowling, hindi pa nga naiimprenta ang kaniyang ikaanim na installment ng Harry Potter, number 1 bestseller na. Kaunting libot-libot pa, natanaw ko ang isang tambakan ang mga aklat sa Filipino. Sinalakay ako ng malisyosong idea na ito ang Payatas o Smokey Mountain ng panitikan—ipinagbebebentang beinte pesos ang mga nalamog na kopya ng panitikang-bayan at katipunan ng mga dula at tula. Insulto sa manunulat na tatakan ang sariling obra ng “sale,” “marked down price,” “buy one, take one” at “discount.” Ewan ko, hindi ko mawari, parang nais kong maduwal noong panahong iyon.

Sa idineklara kong yugto ng pamamahinga, matapos maihanda ang manuskrito ng isasalibro kong panunuring pampanitikan, mainam na panghalili sa pagsusulat ang pagbabasa. Ikulong man ako ng isang buwan sa tindahan ng aklat na may sapat na tubig at pagkain, mabubuhay ako. Tumitigil ang lahat at wala akong konsepto ng oras kapag ako’y nagbabasa. Unti-unting nagugunaw ang aking silid at sumusupling ang lunan buhat sa linang ng tangan kong aklat. Gusto ko’y tahimik, kakaibang uri ng katahimikang hindi maipaliwanag ng anumang aklat ng ponetika. Nakadapa ako habang nagbabasa. Pakiramdam ko’y lumulutang ako’t nakalilipad. Nagpapaubaya ako sa mga salita—sa kasiningan; sa mga umaawit na pangungusap; sa polido, matipuno at walang-inaaksayang talata; sa kapistahan ng mga pandama; sa pagsasalansan ng mga tunog at biswal na disenyo ng mga salita; sa mapagtimping emosyon; sa mga katawagang tila bugtong—hanggang sa ako’y makalipat-unibersong hindi na kailangan ng teleutaia makhaira para pumunit ng bintana tungo sa ibang daigdig, ng mahiwagang saranggolang tatangay sa akin patungo sa langit ng mga yumaong pantas, ng lagusan sa patnubay ng puting kuneho, ng lumang aparador tungo sa walang-katapusang pag-ulan ng niyebe, o ng dambuhalang ipo-ipo tungo sa lupain na maengkanto. Sagradong ritwal ko ang pagbabasa hanggang sa makasama ko sa pagtulog at pananaginip ang binabasa. Hanggang doon, ipinagpapatuloy ko ang pagbasa. At pagkagising, aklat ang una kong inaapuhap. Hindi pa man natatapos ang aklat, idinedeklara kong “hindi ako makapaghintay na basahin itong muli.”

Sa pagbabasa ako nakahahanap ng kaligtasan, ng init kapag giniginaw, ng ginhawa kapag pinapawisan. Tulad ko ang mga tauhan sa The Day After Tomorrow—literal na ginawang kaligtasan ang mga aklat. Sinilaban nila ang mga aklat para magbigay ng init sa pagdagsa ng tsunami at daluyong ng niyebe ng ikalawang Ice Age. Tanging iniligtas nila ang manuskrito ng Bibliya bilang testamento ng kabihasnan ng sangkatauhan. Tulad ko ang mga dagang naubusan ng pagkain sa ilalim ng lupa sa kuwentong Frederick ni Leo Lionni. Walang mangata ang mga pamilya ng daga hanggang sa magbasa ng tula si Frederick buhat sa kaniyang koleksiyon. Nalimot nila ang gutom, binusog ang mga sarili sa mga tayutay, at pinaiinit ang katawan ng mga talinghaga. Nailigtas nila ang lahi mula sa tagsalat sa panahon ng taglamig. Sa pagbabasa, hanap ko’y mga gunitang mahahawakan. Binubuo ko ang nagpipigtal-sa-gunitang tinig ng aking lola, sa pagsasalaysay niya sa akin ng kuwento ni Negro Bandido, isang tauhang tubo-sa-damo, mula sa komiks noong ako’y bata pa. Kaytagal kong inilihim sa kay lola na nakapagbabasa na ako. Nais ko’y ipaghele niya ako ng kaniyang mga kuwento, ng kaniyang “pagdaragdag” sa mga de-kahong kuwento, ng kaniyang bersiyon ng kuwento mula sa telebisyon, ng pagsasanga ng salaysay, ng pagsusupling ng mga tanong at ng mga sagot. Dito ko natuklasan ang kapangyarihan ng paglikha habang nagbabasa. Dito ko nasaliksik ang bisa ng imbento. Kalauna’y inawat na ako sa mga kuwento ng aking lola, tila pag-awat sa pagsuso sa gatas ng ina. Baka raw lumaki akong bopols, gunggong, bugok, pulpol. Sa aking musmos na gulang, ipinagdamdam ko ang dahas ng pagkakaawat. Kaytagal kong natuklasan na puwede pala akong mag-isa. Mag-isa sa pagbabasa. Pag-iisa habang nagbabasa. Maaari palang kuwentuhan ang sarili. Tila ako inakay na natutong ikampay ang mga pakpak hanggang makilala ang lawak ng daigdig. Ngunit sa tuwina’y binabakas ko ang tinig ni lola. Kaya madalas ako sa mga tindahan ng aklat. Kaya madalas akong maghanap ng mababasa. Doon ko matatagpuan ang mga kuwento, ang kaligtasan, ang kalinga. Sa makitid na espasyo, dinig ko ang pagkukuwento ni lola.


Panata ko’y tuklasin sa mga binabasang aklat ang Pilipinas ng Panitikang Filipino, tulad ng pagsaliksik ni Helene Hanff sa Inglatera ng Panitikang Ingles. Sa 84 Charing Cross Road, pamagat ng aklat at pangalan ng tindahan ng mga aklat antikwaryan, hindi hadlang ang Dagat Atlantiko para mapasakamay ni Hanff, sa tulong ng Britong bookseller na si Frank Doel, ang maririkit na prosa sa talaarawan ni Samuel Pepys, sa mga sermon ni John Donne, sa mga aral ng bersiyong Vulgate Latin na Bibliya. Hindi ko rin masagot ang hamon sa sarili kung mayroon bang nilalang sa ibang lupalop na tinutuklas ang Pilipinas ng Panitikang Filipino. Kung saang daigdig ako dinadala ng mga segunda mano kong aklat, kung ano-anong kultura ang aking nararanasan, ngunit hindi ko pa lubos na natutuklasan ang salamangka ng mga etnoepiko ng aking bayan. Gusto kong sisihin ang mga nagkalat na murang kopya ng Bulfinch’s Mythology at ang aklat ni Edith Hamilton. Kasama ako sa henerasyon ng mga Pilipinong masuyong makalilikha ng mapa ng Middle Earth ni Tolkien at ang arkipelago ng Earthsea ni LeGuin, gayong hindi ko batid ang istruktura ng lupang pangako sa Nalandangan ni Agyu. Kung bakit naman kasi masakit-sa-bulsang bumili ng mga serye ng panitikang-bayan ni Damiana Eugenio at ang Ulahingan ng Gitnang Panay ni Elena Maquiso. Gusto ko ring sisihin ang mga Thomasites na dumaong sa kapuluan at ng mga pensionadong naging kolonyal na guro sa bansa, na nagpunla sa mga katutubo ng panlasang Kanluranin, ang sistema ng edukasyong naghasik ng estetikang maka-Kanluran, ang globalisasyong sumira sa hangganan at teritoryo ng mga kultura at nasyon. Kung wala ito, hindi dudumugin ang mga tindahan ng segunda manong banyagang aklat.

Kung walang segunda manong aklat o materyal na kultura, wala rin itong segunda manong kultura. Kasumpa-sumpa ang panahong ito na instant at de-lata ang aliwan at kultura—mga pinaglumaang Mexican telenovela, Chinovela, Koreanovela; pelikulang horror ng Thailand, Korea, at Japan; mga animé at manga mulang Japan. Ang mga paslit na aming kapitbahay, umagang-umaga’y bumibirit ng awiting Intsik ng F4 at sumasayaw sa saliw ng Braziliang Chopeta. Maging gupit ng buhok ay nakapadron sa mga artistang Taiwanese. Ugat ng panggagaya tulad ng ibong papagayo ang segunda manong kultura: si Bayani Casimiro bilang Fred Astaire of the Philippines; si Eddie Mesa, Elvis Presley; Canuplin, Charlie Chaplin; Jaya, Whitney Houston; at Regine Velasquez, Mariah Carey (Maaari pang humaba ang listahan). Gaya-gaya, puto-maya. Segunda manong kultura, segunda klaseng artista. Kapag nanunuod ako ng paligsahan sa pagkanta, kumurap lang ako sandali, akala ko’y orihinal na singer ang bumibirit. Nakapangingilabot ang paligsahan ng mga walang sariling tinig. Sa segunda manong kultura’y isinilang ang mga uring jologs sa lipunan—silang mga hindi naman baduy, silang hindi naman promdi, silang hindi naman hikahos. Sapagkat ang mga tunay na jologs ay iyong mga Pilipinong nagpipilit maging Afro-American sa Harlem (Egoy na Egoy sa porma at pananalita), mga Jamaican kunwari na tipong Bob Marley, at iyong mga skinhead na Neo-Nazi. Inakup! Batid ba nila ang mga kulturang kanilang ginagaya? Naramdaman ba ng mga jologs na ito ang kasaysayan ng exodo, ethnocide, ghetto, at Holocaust habang ibinabalandra ang kanilang mga kuwintas ng swastika? Ilang mag-aaral ko ang nagsusuot ng kamisetang nakadisenyo ang mukha ni Che Guevarra. Gusto kong itanong, “Kilala mo ba iyang suot mo?”

Ganito rin ang kaso sa unibersidad na aking kinamulatan. May isang propesor-sosyologo na nang makatapak sa Amerika’y namakyaw ng lumang akademikong dyornal na hindi makikita sa aklatan ng aming unibersidad. Ipinagyabang niya ang kaniyang nalikom, na ibinebenta lang daw sa gilid ng daan. Pakitang-gilas si propesor sa lektura niya sa social anthropology. Sa pagkakatuklas namin, ang mga halimbawa niya ng mga tribo’y matagal nang nabura sa daigdig. Biktima ang aming propesor hindi lamang ng segunda manong babasahin kundi ng segunda manong kaalaman. Ang resulta’y segunda klaseng pagtuturo, edukasyon, at mag-aaral.

Sa prinsipyo ng Sosyolohiya ng Karunungan, krimen ang sumandig sa mga sekondaryong sanggunian, lalo kung ito’y luma. Huwag tanggapin nang buong-buo ang mga banyagang ideya at datos, at pagkaraa’y magbibigay ng kuro-kuro nang walang pagmumuni. Huwag sumandig sa lumang edisyon, sa lumang pananaliksik, sa lipas at pasong idea, at sa mga bilasang balita mula sa mga magasin. Kailangan ng sariling siyasat. Hindi naman nauuso ang retro at revival, o revival ng retro, sa idea, kaalaman, at teorya. Akma lamang iyon sa mga pananamit at musika. Sapagkat ang pananalig sa segunda manong kaalaman ay nagbubunga ng segunda manong karunungan. Hindi kaganapan ng karunungan ang pakinig-kinig at padalaw-dalaw lamang sa mga lektura, discussion group, book club, sit-in. Mahalaga’y makaranas, makatuklas, makapagmuni buhat sa sarili. Sino ang dapat sisihin? Hindi ako maghuhugas-kamay. Kamakailan ko lamang natuklasan na ang inaakala kong bago’y bilasa pala, ang klasiko’y kasumpa-sumpa, ang rebolusyonaryo’y palasak, ang experimental ay binuwag, ang moderno’y luma, at ang masalamangkang realidad pala ay nasa ugat pala ng pambansang mitolohiya. Kapag kumakatok ang pagkamalikhain, nakalilikha ako—buhat sa kinakanlong na segunda manong imahinasyon—sa nabibili kong segunda mano. Eksena’y murder mystery na katatakutan. Naglalakad patungong estasyon, sa madilim na kalyehon ang isang binata. Umuulan-ulan and aandap-andap ang ilaw sa daan. Pumutok nang limang beses ang baril. Natumba ang binata. Dead on arrival siya sa ospital. Natuklasan ng nurse ang aklat na yakap-yakap ng pinaslang. Kinuha niya ito, tiningnan ang duguang pabalat, at saka itinabi. Para paikliin ang kuwento, napadpad sa aking mga kamay ang aklat na iyon. Nakapaloob ang mensahe, mga larawan, mapa, mga liham, mga lihim, mga rebelasyon na tutukoy at bubuo sa pagkatao ng pumaslang. Ano na ngayon ang gagawin ko? Nagmumulto na sa akin ang pinaslang. Sinusundan niya ako saan man ako magpunta. Lutasin ko raw ang problema. Lutasin, lutasin. Ako ang susi. Nasa aklat ang mga kasagutan.


Nais kong magbabanyuhay bilang si Parasurama, ang arketipal na tagatuklas ng karunungan buhat sa sagradong aklat na Sri Tripura Rahasya. Sasapian ako ng kaniyang sigasig, ng kaniyang pangarap, ng kaniyang rahuyo. Baybayin ko ang mga kabundukan, magkapaltos man ang aking talampakan. Tatawirin ko ang ilog, salakayin man ako ng mga buwaya. Sasaliksikin ko ang gubat, gayong nag-aabang ang mga limatik. Maglalayag ako sa karagatan, hahamunin ang daluyong at sigwa. Hanggang sa marating ko ang kaniyang tahanan sa isang antas ng kalangitan. Haharapin ko ang diwatang si Dattatreya. Magpupugay sa paanan niyang nagsisilang ng mga alamat, ng mga epiko ng pakikipagsapalaran, ng mga bugtong, ng mga salawikain. Iaalay ko sa kaniya ang kaalamang aking taglay. “Paano ko hahanapin,” bungad ko sa diwata, “ang karunungan?”

“Nahanap mo na,” deklara ni Dattatreya, nagluluningning ang mga mata. Iginabay niya ang aking paningin sa paanan niyang bumubukal ng mga akda. Sumalok siya, gamit ang magkasalikop na palad, buhat sa agos at inihasik sa dakong iyon ng daigdig. “Naranasan mo na. Nasa pagdanas ang karunungan.

“Hindi makapaghahasik ng liwanag sa sangkatauhan ang segunda manong karunungang iyong natipon mula sa binasang mga aklat o sa nakasalamuha mong mga guro,” dagdag pa niya. “Hangga’t hindi mo sasaliksikin at isasabuhay ang katotohanan. Hindi binibilang ang mga binasa kundi tinitimbang. Tanging ikaw ang makalilikha ng karunungan. Danasin ang sarili at gamitin ang kamalayan.”


Mapalad pa rin akong isinilang sa panahong ito, sa isang lipunang hindi hinahadlangan ang pagbabasa. Hindi sinusunog ng mga kawal ang mga aklat na sumasagka sa politikal na ambisyon ng mga pinuno. Hindi ipinagkakait sa kababaihan ang mga aklat. Hindi katulad sa Tehran at Libya na ipinagbabawal ang Lolita. O sa Tsina noong kanilang Cultural Revolution mula 1971-1974, sa hangaring re-edukasyon ni Mao Zedong sa daang libong palaisip, pinagsusunog ang mga akdang Kanluranin tulad ng kay Honoré de Balzac. O sa Singapore at Malaysia na itinuturing na subersibo ang Satanic Verses ni Salman Rushdie. O noong panahon ng Batas Militar sa bansa, dinarakip ang sinumang may dalang mapangahas na libro at manuskrito. O sa pagsusunog noong ika-2 ng Marso, 1940 sa mga akda ng “tinaling” manunulat sa Plaza Moriones ng Tondo, na walang pagpapahalaga sa tradisyon at kasaysayan sa panitikan. Masuwerte ako sa panahong sumibol sa pagbabasa.

Kalkal, hukay, halukay, wagwag, pagpag, ukay-ukay. Anuman ang bansag sa paghahanap kong ito’y nakalakip ang testamento ng pagdiriwang sa mga salita. Bibigyang-dangal ko ang mga salita. Sa pagkahumaling sa mga titik sa pahina, nababakas ko ang pinagmulan ng aklat. Noon pa man, akto ng pagsamba ang paglalathala. Nakikiisa ako sa metikulosong pagkopya at pagsasalin ng mga monghe sa mga iniligtas nilang naninilaw at malulutong na pahina ng mga tekstong Griyego at Romano sa mga sulok ng aklatan ng monasteryo noong Edad Medya sa Europa. Nililikha nila’y mga naliwanagang manuskrito, dinarakila ang mga salita ng Diyos, at ginaganyakan ng mga guhit ng ahas, leon, pabo, at mga baging. Hindi lamang pagpapalamuti ang mga guhit, halimbawa’y ahas na sumasagisag ng muling pagkabuhay dahil naghuhunos, kundi pagdakila sa teksto. Mga mandirigma sila laban sa kamangmangan, laban sa pagtatayo ng kalinangang walang kinakalingang manlilikha.

Sa aking mapantuklas na kamay, bubuhayin ko ang aklat habang pinalulusog ko ang sariling aklatan. Bibigyan ko ng panibagong buhay ang mga aklat. Naniniwala akong higit pa sa pusang may siyam na buhay ang mga papel na pinagtipon-tipon. Bibigyan ko ng bagong kasaysayan ang mga aklat na may kasaysayan. Magmamarka ako ng kasaysayan sa bawat balat ng aklat. Ang kamatayan ng isang aklatan ay pagsilang naman ng isa. Matingkad sa aking kamalayan na may iisang dakilang aklatan sa daigdig na sumasabog para ibahagi ang mga aklat sa iba’t ibang dako.

May buhay ang mga segunda manong aklat. Muli itong binubuhay ng bagong mambabasa, hindi ng may-akda na malaon nang pinaslang sa pagpapalimbag ng kaniyang obra. Nabubuhay ang mga aklat, dumaan man ito sa maraming mga kamay. Tila fenix, ang mga abong daliring minsang bumuklat sa aklat ay magkakalaman at magkakadugo sa bisa ng aking pagbabasa. At ang dugo’y dadaloy sa guniguni. Isipin na lang kung paano ito isinasalin sa iba’t ibang papel bago mailathala—mula sa palara, napkin, talaarawan, o kuwaderno ng manunulat; sa kamay ng patnugot, sa proofreader at copyreader, hanggang sa blueprint hanggang sa mapasakamay ng mga mambabasa. Isipin kung ilang taon ang inilaan sa pagpapahinog ng isusulat; ang paghango mula sa himbing ng mga manuskrito sa palimbagan. Isipin kung paano pinipili ang hugis, pabalat, ang tipo ng mga titik, ang uri ng papel, ang mga walang-pangalang nagpatakbo ng imprenta at mga nagtahi ng mga pahina. Umuunlad ang aklat, nadaragdagan ito ng mga di-makitang pahina sa pagdaan ng mga panahon, sa pagdaan ng mga henerasyon. Walang nawawalang kaluluwa sa muli’t muling pagbuklat ng mga pahina.


This essay won Third Prize for the Essay in the 2005 Palanca Awards.I got this atory from-HERE


`gwen* thought hard on 10:50 PM.